Dahil Wala Pa Akong Tulog, Naitono Na Ang Gitara Ko
Around 530am...
Di ako makatulog, kaya nag-ayos ako ng gamit. Napag-isip-isipan kong maglagay ng ilang palamuti sa dingding na "akin" - "akin" na may kuwit, dahil ito yung parte ng kwarto namin na pinakamalapit sa aking kama, kaya't siguro, matatawag ko na rin itong sarili kong kwarto. Sa iisang kwarto lang kami natutulog ng aming pamilya. Kaya't nang matulog na ulit ako sa sarili kong kama (ang pang-itaas na kama ng isang "double-deck bed"), na dati'y ginawa kong tambakan ng gamit kaya hindi ko nahihigaan, sinipag na siguro akong mag-ayos ng gamit kahit papaano.
Nahalukay ko pa sa aking mga gamit ang dati kong "sketch pad" kung saan pinupunit ko ang aking mga obra maestra (kuno) para ipasa sa Arts class noong ako'y nasa ika-apat na taon sa mataas na paaralan. Ilang araw na rin akong nakakahanap ng mga kung anu-anong mga drowing ko noong ako'y bata pa. Nakalimutan ko na ring mahilig pala ako gumuhit at kung gaano ako kasaya sa pagpapakita ng mga drowing ko sa aking ina kapag may natatapos na ako. Naengganyo tuloy akong gumuhit muli!
Around 730am...
Pagkatapos nun, di pa rin ako makatulog, kaya sinubukan kong magtono ng gitara (kahit alam kong di ako talaga marunong). Sa totoo lang, wala talaga akong tiwala sa sarili ko pagdating sa pagtotono ng gitara. Sinubukan ko na ring manood ng mga "tutorials" para sa pagtotono ng gitara sa Youtube ngunit tila wala talaga akong talento rito. Matapos ang ilang minuto ng pagpihit, di ako makapaniwalang medyo natono ko na sya. Sinubukan ko lang tugtugin ang mga piyesang alam ko na may mga "plucking" at tunugan ang kung ano mang tunog ang nagagawa ng bawat "string." Ilan sa mga kantang ginamit ko para i-test kung nasa tono na nga ay Ikaw Lamang ng Silent Sanctuary, A Bizaare Loves Triangle (o kung anumang titulo ng kantang iyon), Gitara ng Parokya Ni Edgar, More Than Words, Hallelujah ng Bamboo, atbp.
Hindi ko alam kung kulang lang talaga ako sa tulog at sa pananaw ko'y medyo nasa tono na ang gitara ko, o mayroon lang talagang mahiwagang diwata ng musika ang sumanib sa akin. Basta kapag tinutugtog ko na iyong mga piyesa, halos nasa tono na. Siyempre may natutunugan pa rin akong mali (na sa palagay ko'y fourth string) ngunit halos hindi na ito pansin.
Ang saya ko lang siyempre (at nag-online pa talaga ang lola mo para lang maibahagi ang kasiyahan)! Seryoso. Ito lang ang dahilan kung bakit nag-online pa ako ng ganito kaaga. Dati ko pang sinusubukang magtono ng gitara e! Siyempre masaya ako! Masaya ako.
_______________________________________________________________________________________
Nahiwagaan naman ako sa nagagawa ng walang magawa at di makatulog sa isang tao.
Sa totoo lang, iti-tweet ko dapat ito, kaso limitado ang mga salitang pwede kong ibahagi doon. Sinubukan ko namang gawing status sa Peysbuk, ngunit napusuan ko siguro talagang gumawa ng Note. Napuna nyo rin sigurong nasa wikang Filipino ito. Napansin ko lang kasi, lagi nalang ako nagsusulat sa wikang Ingles, kaya't para maiba naman, ito na ang ginamit kong wika. Dadag na rin pala sa rason, sa di maipaliwanag na dahilan, ay ang pagpasok ng mga salita sa wikang Filipino sa isip ko. "Feel ko lang syang i-blog sa Filipino e. Bat ba?"
Siguro BLOG nga ang tawag dito. Ako na ang gumaya kay @Faye Cosue. :))
Pagpasensyahan nyo na kung maguluhan kayo sa ibang parte ng blog na ito. Sabi ko nga, wala pa talag akong tulog.